Tuesday, July 6, 2010

Wangwang, atbp.

Kamangha-mangha ang pagtanggap ng sambayanan sa napakapayak na pagbabagong isinakatuparan mula nang magtalumpati si Pangulong Noynoy Aquino sa Luneta. Hindi lamang dahil nagpakitang gilas na bigla ang nagtutulug-tulugang pulis at LTO, kundi mismong ang bagong Pangulo ay hindi ipinagamit sa PSG ang kanilang wangwang. Higit pa riyan, siya mismo ay tumitigil sa pulang ilaw na nagpapahiwatig ng pagtigil, ayon sa trapiko. Sadyang hinangaan ito ng taumbayan na buwisit na buwisit na kasi sa pang-aabuso ng mga malalakas, makapangyarihan at mayayaman na tila baga’y naghahari sa ating bansa.


Samantala, parang walang pakialam si Donya Gloria, na ngayon ay kongresista na lamang mula sa Pampanga, pagkat naibalitang wala itong pakialam na humarurot ang convoy sa NLEX na hindi pa nagbayad ng toll fees! Ayaw tumigil, samantalang ang ordinaryong mamamayan ay kailangang huminto at magbayad. Sadyang sanay sa pagkaabusado.


Dahil sa mainit na pagtanggap sa pagpapatupad ng batas ukol sa pagbawal sa wangwang, marahil ay dapat na itong sundan ng maliliit pang mga pagbabago na madali namang isatupad, mga pagkakama­ling dapat ituwid, na hindi naman nangangailangan ng bagong batas dahil may mga batas at ordinansa nang nagbabawal sa mga ito.


Katulad halimbawa ng jaywalking. Disiplinahin natin ang ating mga sarili, na tumawid lamang sa tamang lugar, at nang hindi maging biktima ng sakuna, o maging sanhi ng sakuna ng iba. Payag ako na maglagay halimbawa ng mga “detention areas” sa mga kanto, maski gawa lang ng dos por dos na kahoy, kung saan pansamantalang ikukulong nang isang oras ang sinumang tumawid ng kalsada liban sa mga tamang tawiran.


Bakit hinahayaan ang mga pedicab, o tri-sikad, na mag-counterflow sa mga matrapik na kalsada, tulad ng Taft Avenue sa Maynila? Bagama’t maraming aangal dahil sa kawalan ng hanapbuhay, dapat siguro’y magkaroon na ng malinaw na patakaran ang mga lungsod ukol sa pagpasada ng mga tricycle, na sadya namang mainit sa sakuna, at hindi naman talaga kailangan, kung matututo lang ang Pinoy na lumakad, imbes na sumakay pa maski malapit lang ang pupuntahan.


Hulihin agad ang mga jeepney drivers na matitigas ang ulong bumabara sa trapiko, habang naghihintay ng pasahero. Sa kanto pa mandin pumaparada, o maski sa gitna ng kalsada ay bumabalandra, bagama’t buhul-buhol na ang trapikong sumusunod. Walang pakialam. Tingnan ninyo na lang ang trapiko sa paligid ng mga mall (tulad ng Robinson’s sa Pedro Gil), o mga eskwelahan (La Salle, St. Benilde’s, St. Scholastica’s, atbp.). Siguro naman ay kayang isaayos ang mga ito, pati na ang pagbawal ng illegal parking sa harap ng mga eskwelahan. Bakit ba ang mayayamang estudyante ay bukod-tanging de-kotse pa araw-araw at hindi na lang sumakay sa LRT o sa pampublikong sasakyan?

Turuan sila ng pagtitipid, at ipairal din ang disiplina.


Bakit ba kailangang sa kanto at intersection hayaang magsakay at magbaba ng pasahero ang mga jeepney at bus? Bakit hindi ilayo ang loading and unloading zones sa gitna ng dalawang kanto, at hindi mismong sa kanto? Hayaang maglakad ng kapiraso ang mga mananakay, imbes na magbuhol ang trapiko sa intersection. Common sense lang naman ito. At disiplina.


Kilala naman ng LTFRB, LTO, MMDA at DOTC ang mga kolorum na bus na naglipana sa EDSA, Taft, atbp., kung sadyang nanaisin. Bawal ang mga ito sapagkat pinag-aralan naman ang carrying capacity ng mga lansangan ng Kalakhang Maynila, at labag sa batas ang operasyon ng mga ito. Ipatupad agad ang batas.


Magkaroon ng masusi at agarang pag-aaral ng mga panga ngailangang pampublikong sasakyan, at nang hindi dagdag ng dagdag ng mga jeepney na hindi naman mapuno-puno, ay pasada pa rin ng pasada. May mga ruta na kay raming pinapayagang pasadahan, at sa makikitid na kalsada nagsisipagdaan, na ang ginagawa tuloy ay nagsisiparada lamang ng ilang oras sa mga interseksyon habang pinupuno ng pasaherong kay tumal naman ang dating.


Napapanahon na sigurong magkumperensya ang DOTC at mga ahensya nito, ang MMDA (kapag may natalaga nang pinuno), at mga alkalde ng mga siyudad at bayan ng Metro Manila upang magkaroon ng isang rationalized public transportation program. Maaring isagawa rin ito sa Metro Cebu, Davao City, Cagayan de Oro, Baguio at iba pang lugar kung saan nagiging bangungot na rin ang trapiko.


Marami pa ang mga maliliit na pagbabago na magpapamalas sa lahat na ngayon ay seryoso na ang pamahalaan at seseryosohin ang batas at kaayusan sa lipunan. Swak na swak ang ginawa ng bagong Pangulo sa wangwang. Ngunit dapat ay sundan pa ito ng ibang mga maliliit na reporma at pagpapatupad sa batas at nang maumpisahan na ang pagbabago at disiplina sa lahat ng mamamayan.


(banayo_at@yahoo.com)

ABANTE para sa Martes, ika-06 ng Hulyo, 2010


No comments:

Post a Comment