Isinulat natin ang pitak na ito bago tumungo sa Rizal Park, upang pagmasdan ang pasinaya ng bagong pangulo na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Sa kanyang maikling talumpati, hihingin niya sa sambayanan ang pagkakaisa at pakikipagtulungan, hindi lamang sa pamahalaan, kundi maging sa isa’t isa, sa diwa ng bayanihan na angkop sa uga ling Filipino.
Sa nagdaang mga buwan, palagi na ting naririnig ang panawagang “Ako ang Simula”, na panawagan para sa pakikialam upang magkaroon ng pagbabago na lalan ng malinis at maayos na halalan.
Ngayong nakapaghalal na tayo ng bagong pamunuan, angkop rin marahil na sabihing, “simulan na natin ang tunay na pagbabago.”
Totoo, malaki ang inaasahang pagbabago mula sa pamahalaan, at dapat naman, pagka’t sa nagdaang dekada, lubhang napariwara ang pamamahala, at lubhang nasadlak sa kahihiyan ang imahe ng ating bansa.
Ngunit sa isang dako, hindi naman pamahalaan lamang ang dapat na asahang magbago, at hindi naman tama na ang mga namumuno na lamang ang asahang magbago, sapagkat kaakibat tayong lahat ng pagbabago. Ngunit paano tayong magsisimula sa pagbabago?
Maging sa pang-araw-araw na buhay, sa maliliit na pamamaraan, kaya nating simulan ang pagbabago.
Huwag magkalat sa lansangan o sa ating komunidad. Hindi naman siguro kahirapan ang tumulong sa pagpapalinis ng kapaligiran.
Sumunod sa mga alituntunin sa trapiko, maging sa pagtawid sa mga lansangan. Huwag mag-jaywalking, at hintayin ang berdeng signal na hudyat na maaari nang magpatuloy. Huwag makipaggitgitan, lalo na at matrapik, pagka’t imbes na maibsan ang daloy ng trapiko, lalo lang nating pinalalala. Liban pa sa nagdudulot ito ng stress at init ng ulo.
Maging mapagmasid sa mga pangyayari sa lipunan, at kung may mali o taliwas sa hinihingi ng batas, tayo na ang magkusang ipaalam ito sa mga kinauukulan, lalo na sa mga alagad ng batas. Kung biktima tayo ng pagmamalabis o abuso mula sa mga kawani o opisyal ng pamahalaan, maglakas-loob tayong umangal, at ipaalam ito sa mga nakatataas, o di kaya ay sa media at nang ma-expose.
Sa abot ng ating kaya, tulungan natin ang mga kapus-palad. Hindi sa pagbigay ng limos sa mga pulubing malamang sa hindi ay ginagamit at inaapi lamang ng mga sindikato, kundi sa pamamagitan ng pagkawanggawa. Maski sa ating mga kalapit-komu nidad, may mga karapat-dapat na tulungan. Kung may anak tayong nag-aaral, baka may kamag-aral na galing sa hirap na pamilya, na maaari na ting tulungan sa maayos na paraan. May mga bahay-ampunan at iba pang pagkakawanggawa na maaari nating bigyan ng kontribusyon, kung hindi man ng salapi, maaaring sa pagtulong, sa gawa at pakikipagbayanihan.
Tandaan natin na kung nais nating magkaroon ng tunay na pagbabago, hindi maaaring iasa na lamang ito sa pamunuan o sa pamahalaan. Kaakibat tayo ng pagbabago. At saling-lahi natin ang makikinabang kung mag-uugat ang tunay na pagbabago sa lipunan natin. Simulan natin!
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Huwebes, ika- 01 ng Hulyo, 2010
No comments:
Post a Comment