Ewan ko kung ang atin g pamagat ay Tagalog-Bulakan o Tagalog-Laguna, ngunit ito’y na rinig ko makailang beses sa aking lola na sinilang at lumaki sa Malolos at Paombong, ngunit nag-asawa at nanirahan sa Laguna ng nasa pitumpung taon. Ang pinakamalapit na kataga ay “pang-iinis”, na siyang malinaw na ginagawa ng kasalukuyang rehimen sa papasok na pangulo dalawampu’t siyam na araw na lamang mula ngayon.
Naglabas ng report kamakailan ang NEDA, NSCB at NSO na diumano’y umangat ang pambansang ekonomiya ng 7.3% noong unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan. Ipinangalandakan ito ni Donya Gloria na ebidensyang sadyang matatag ang ekonomiya sa kanyang rehimen, at patuloy pa itong lumalakas. Sinundan ito ng panghahamit ng kanyang tagapagsalitang Amerikano, si Gary Olivar, na hinamon pa si Noynoy Aquino na ipagpatuloy ang mga “pamana” ng kanyang Donya sa larangan ng ekonomiya. Sinagot naman sila ng papasok na pangulo na numero lang ang inilabas ng NEDA at iba pang ahensya, dala ng gastos sa kampanya (ilang bilyon doon ay dahil kay Manny Villar, na ABS-CBN at GMA-7 lang naman ang malaki ang pakinabang), at naghihirap pa rin ang sambayanan. Tumpak.
Kung hindi nakakabili ng murang pagkain sa peryodiko, wika nga, hindi rin nakakapawi ng gutom ang estatistika. Iyan ang misteryo ng ekonomiya ni Gloria. Taas ng taas ang numero, pero ilan lang ang nakikinabang. Ang tunay na kaunlaran ay dapat maramdaman, sa hanapbuhay, sa pagkakataon, sa mataas na antas ng serbisyong pampubliko. At natutunan ni Noynoy iyan sa Ateneo, malamang sa ibang guro, at hindi kay Gloria Macapagal-Arroyo.
Dagdag panghahamit ay ang unti-unting paglalabas ng mga bagong paghirang, o pagpapalawig ng hirang, sa mga tinaguriang “midnight appointees”. Mahilig talaga sa gawaing pailalim at patraydor itong rehimeng ito. Noon ay isang hardinero sa Luneta, isang manikurista sa Pag-ibig na namamahala ng pondo ng pabahay. Meron ding isang PE teacher na kaiskwela ng Donya na ginawang tagapamahala ng pagpapalawig ng turismo, na napakahalagang tungkulin, at marami pang iba. At ngayon, batay sa dokumentong pineke, na ipinalalabas na hirang bago mag-Marso diyes (animnapung araw bago maghalalan kung kailan ayon sa Saligang Batas ay hindi na maaaring humirang pa ang papatapos na pangulo), pati ba naman si Efraim Genuino ng Pagcor, sampu ng apat pang mga director? Kinopo na ang mala king gatasan ni Donya Gloria at ni Mike Arroyo, kung saan bilyun-bilyong salapi ang pumapasok at lumalabas linggu-linggo? Hindi lang kawalan ng delikadesa, kundi sadyang kaswapangan.
At malinaw na iniinis ang bagong administrasyong halal ng bayan. Nanghahamit na pero kapal-muks pa rin. Itong si Elena Bautista na hepe ng PMS, na siyang tagapaghanda ng mga rekomendasyon para sa paghirang ng pangulo (na dapat ay trabaho ng Executive Secretary, at secretariat lang ang PMS), wala pang kagatul-gatol na sinasabing “above board” ang ginawa ng kanilang Donya at nina Genuino.
E bakit ngayon lang inanunsyo, na para bagang “like a thief in the night” na siya ring pailalim na ginawa ng Donya sa ZTE-NBN nu’ng madaling-araw nagpirmahan ng kontrata sa Tsina? Bakit hindi nila inanunsyo noong Marso 9? At nariyan na rin lang sa usaping iyan, wika ni Bautista at Genuino, taun-taon daw kung hirangin ang chairman at mga direktor ng Pagcor. Vamos a ver. Ilabas nga nila ang taunang appointment papers ni Genuino at iba pang director ng Pagcor? Hindi ba’t Enero 22 nang unang tumungtong sa palasyo si Donya Gloria? Kailan ang unang appointment paper ni Genuino?
Marami-raming dokumento ang pinipeke ngayon sa Malakanyang.
O baka naman tone-toneladang salapi ang inilabas sa Pagcor noong panahon ng halalan, lalo na ang pambigay sa mga tumakbo (at karamihan ay nanalong congressman), na ngayon ay dapat ang sapat na panahong pagtakpan? O marami pang hiningi ang isang malakas na kamag-anak ng pangulong papatapos, na inilipad na kung saang lupalop? Hanggang sa ngayon ba, 29 na araw bago magtapos si Donya Gloria, bari-bariles pa rin ng salapi ang inilalabas at inilulusot?
Tingnan naman natin kung papayagan sila ng papasok na panguluhan na gawin ang kanilang mga kabuktutan. Tapos na ang maliligayang araw ninyo. Mas makabubu ting tulad ni Customs Commissioner Napoleon Morales, ay mag-empake na ng personal na mga gamit sa tanggapang lilisanin.
Ganyan ang maginoo na may wastong huwisyo.
Kaya nga ba sana ay makauwi na itong si Senador Ping Lacson na kasalukuyang “nagdiriwang” ng birthday kung saang lupalop, dala nang pambubuwisit at pang-aaping dinaranas ng mapaghiganting mga Arroyo. Marami ka pang dapat busisiin, Ping, bilang kalaban ng kurakot at masasamang tao. Sa ngayon, anumang lungkot meron ka, “happy birthday” pa rin.
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika-01 ng Hunyo, 2010
No comments:
Post a Comment