Noong nagdaang linggo ay kagulo sa tanggapan ng Local Water Utilities Administration (LWUA). Ito ang tanggapang nasyonal na siyang nangangasiwa ng mga local water districts sa iba’t ibang lalawigan at bayan sa Pilipinas. Ang layunin ng mga ahensyang pinangangasiwaan ng LWUA ay palaguin ang pagkakaroon ng “safe drinking water” sa buong kapuluan. Hindi madali ang ganito, lalo na at puro tayo mga islang umuunti na nga ang mga aquifer at natural na daluyan ng malinis na tubig, kundi watak-watak pa at magastos ang pagkabit ng mga tubo ng tubig. Higit pa sa riyan, kapos sa salapi at kapital ang pamahalaan, maging ang mga kumukonsumo ng malinis na tubig.
Ngunit bakit nagkakagulo? Kasi pala, nagkakandarapa ang mga kontratistang nagsipaggawa ng mga water supply projects sa iba’t ibang panig ng bansa dahil hindi sila nababayaran pa. At takot din na pagpasok ng bagong administrasyon ni Noynoy Aquino, ay madiskubre ng mga papalit sa kasalukuyang nagpapatakbo ng ahensya, ang misteryo ng pagkalaki-laking gastos sa pamunuan ni Prospero “Butch” Pichay, samantalang kapos at kapos sa badyet na pambayad ang naturang ahensya.
Ayon sa kalalabas pa lang na report ng Commission on Audit (COA), nagpagawa ng mga projects na umaabot sa 3.4 bilyong piso ang halaga, samantalang ang pondong hinahawakan o kayang hanapin ay 2.2 bilyones lamang. Lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno ay alam na hindi ka maaaring mag-award ng anumang proyekto kung wala pa sa iyong mga libro ang pondong ibabayad mo kapag natapos ang proyekto. Ngunit paanong nangyari ito?
“Diumano, dahil sa sabi raw ng LWUA Chairman na si Butch Pichay, may “pangako si GMA sa kanya na magre-release ng hanggang 6 na bilyung piso para sa LWUA mula sa kanyang President’s Social Fund”, na hango naman sa kontribusyon ng Pagcor at PCSO. At ang mga kontratista naman, sugod-kabayo para sa mga kontratang ‘diumano’y “over-priced” at maski tumutol ang mga local water districts dahil sa katapusan, sila ang magbabayad sa mga proyektong ito.
Kanya siguro nagpa-midnight appointment si Pichay bilang LWUA Chair, at nag-akibat ng mga bagong direktor sa Board of Trustees, kasama na sina Renato S. Velasco at Susana D. Vargas, na pawang mga galing sa MalacaƱang mismo. Kakaupo lang ng mga ito, at ewan ko kung alam nilang sa taong 2009 lamang ay katakut-takot na iskandalo na ang napansin ng COA. Paano pa kaya nu’ng bago mag-umpisa ang ban sa kontrata dahil sa halalan?
Nagkakagulo raw sa LWUA noong nagdaang linggo dahil naggigitgitan ang mga kontratista na mabayaran. Una dahil nga paanong magdi-disburse ng vouchers ng pagbabayad kung kulang ang pondo para sa lahat? Paano makapagbibigay ng tse keng kabayaran, e hindi naman pwedeng magpatalbog ng tseke ang pamahalaan ng Pilipinas?
Isa pa, pagpasok ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hunyo 30, ano kaya ang gagawin sa mga katulad ni Pichay at kanyang board na mga “twilight”, huwag na nating sabihing “midnight” appointees ni Donya Gloria? Babayaran ba sila ng susunod na mga pinuno ng ahensya, dahil hindi naman siguro makapapayag si P-Noy na opisyal niya ang isang katulad ni Pichay? Laking sakit ng ulo.
Magbibigay ba ng courtesy resignation si Pichay? Sagot daw nito, nang mabasa ang tungkol sa courtesy resignations na hinihingi ng maraming grupo, tulad ng FSGO, Makati Business Club, Management Association at iba pa: “Bakit, kailan ba ako naging “courteous”? (Itutuloy)
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika- 22 ng Hunyo, 2010
No comments:
Post a Comment