Monday, June 28, 2010

Pagsasara ng nakaraan

Bukas ay susumpa na sa kanyang tungkulin si Benigno Simeon C. Aquino III, bilang ika-labinlimang pangulo ng ating 112 taong kasaysayan mula nang matagumpay na itanghal ang Unang Republika ni Emilio Aguinaldo. Siya rin ang ika-limang pangulo ng ika-limang Republika, na nagsimula noong Pebrero 25, 1986, na ang unang naupong pa ngulo ay ang kanyang inang si Corazon C. Aquino.


Dahil sa pagkakalugmok ng bansa sa sobrang kurapsyon, hanggang sa matanyag sa buong daigdig bilang isa sa mga pinakakurap ang pamahalaan (Ang Pilipinas ay nasa ranggong 139 sa hanay ng 180 bansa sa daigdig pagdating sa kurap syon, kung saan isa sa nangunguna sa kalinisan ng pamamahala ay ang karatig-bansa nating Singapore), maraming nananawagan na usigin ang mga nandambong, at siguruhing mapatawan sila ng sapat na kaparusahan, liban pa sa singilin sila sa kanilang nakamkam, at ibalik ito sa kaban ng bayan. Iyan naman ang nakasaad sa batas, maging legal o moral. Ngunit sa tinagal-tagal ng panahon, bihira ang nauusig, at bihira ang sinisingil. Dahil nga rito, nag-ugat ang “culture of impunity” o kawalan ng pagsara sa nakaraang mga pagkakasala sa bayan.


Mismong mga dayuhan ay nananawagan na seryosohin ng papasok na administrasyon ang pag-usig, paniningil, at wastong pagsara sa nakaririmarim na nakaraan. Kamakailan, sa kanyang talumpati sa harap ng Makati Business Club at European Chamber of Commerce, sinabi ni Michael Hershman, isa sa mga nagsimula ng Transparency International, na dapat daw ay tuparin ni Pangulong Noynoy ang kanyang pangako noong kampanya pa, na tigilan ang kurapsyon, at usigin ang mga tiwali at kurakot sa nagdaang mga rehimen.


“Sampahan ng kaso ang mga nagnakaw sa bansa. Kailangan silang managot, at sana’y totohanin na ngayon ang pagparusa. Ikulong sila at ang mga ari-arian ay samsamin at ibalik sa kaban ng bayan,” ani Hershman. At dinagdag pa niya, “siguruhin ninyo muna na ang inyong sistema ng hudikatura ay maging makatotohanan at makatarungan.”


Sinang-ayunan ni Hershman ang pagtatag ng isang independenteng komisyon na mag-uusig sa nakaraang mga ano malya at kasangkot sa mga ito, gaya ng nasabi na rin ni Aquino noong kampanyang nagdaan. At muli niyang binanggit ang kahalagahan ng transparency at accountability sa mga mahihirang sa gabinete at iba pang mga posisyon sa bagong administrasyon.


Sa madaling salita, hinahanap ng mga investors, dayuhan man o sariling atin, ang tunay na pagbabago sa pamahalaan. Walang sinisino. Kapag nagkasala, patawan ng kaparusahan. Magkaroon ang lahat ng respeto sa batas, at pagsunod sa mga adhikain nito. Patas na laban, wika nga.


At magkaroon ng pagsasara sa nakaraan. Kailangang hindi pabayaan na lang na lista sa tubig ang pagkakamali, at nang magkaleksyon naman para sa sambayanan. At siyang maging hudyat sa tunay na pagbabagong-loob at pagbabagong serbisyo sa sambayanan, lalo na sa mga naghihikahos na lalong naghihirap dahil sa hindi masawatang kurapsyon.


(banayo_at@yahoo.com)

ABANTE para sa Martes, ika-29 ng Hunyo, 2010

0 comments:

Post a Comment