Thursday, June 24, 2010

May bangko pa ang LWUA

Gaya ng isinulat natin noong Martes, kay daming mga kontrata sa patubig ang nilagdaan nitong LWUA sa ilalim ng pamumuno ni G. Butch Pichay, na wala naman palang sapat na pondong inilaan para sa mga proyektong ito. Ano na nga ang tawag natin sa isang kumpanya na ang laki ng pagkakautang ngunit kapos sa pambayad? Bangkarote.


Pero sa pamahalaan, walang nababangkarote, kasi, sinasagot ng pamahalaan. Sinasagot ng kaban ng bayan. Nabangkarote ang Central Bank, sinagot ni Juan de la Cruz ang mga utang, dinagdagan ng panibagong kapital, at pinalitan ang pangalan, naging Bangko Sentral. Ganyan din ang mga GSIS, SSS, at iba pa. Ang National Food Authority, na siyang nagsisigurong may sapat na bigas sa hapag ng bawat Pinoy, si Juan de la Cruz din ang sumasalba sa malaking pagkakautang. Gayundin ang Napocor.

Walang masama rito, kung sa mabuting paraan nagastos ang salapi ni Juan, at nakinabang si Juan.

Paano na kung mga proyektong overpriced na nga, e non-existent pa? Multo, naniningil kay Juan?


At kung ikaw naman ay kinakapos na nga ng pambayad, tama bang bumili ka pa ng bangko? Wow naman!


Pero ganyan ang ginawa ng LWUA sa ilalim ni Pichay. Bumili ng isang maliit na bangko sa Cabuyao, Laguna na “under rehabilitation” ng Bangko Sentral (ibig sabihin sinasalbang pilit sa pagka-bangkarote para maprotektahan ang maliliit na depositor). Noong Hunyo ng nagdaang taon, bumili ng 60% ng pag-aari ng Express Savings Bank sa Cabuyao ang LWUA, at nagbayad ng 80 mil yong piso, bagama’t gaya nga ng naisulat natin, ito’y under rehab ng BSP (He he he, “rehab” parang adik na ginagamot).

Nais kasi ni Pichay diumano na magtayo ng isang WE Bank, o Water and Energy Bank, at ipagsasanib ang salapi ng LWUA (tubig) at National Electrification Administration (NEA) na siya namang tagapangasiwa ng mga electric coops sa buong bansa (energy). Wow!


Dalawang ahensya ng pamahalaan na pasan-pasan ang utang at pondo ng kaban ng bayan, magbabangko pa! Ano ito, bagong DBP?


Ngunit hindi pumayag ang Bangko Sentral dahil may moratorium sa pag-apruba ng bagong bangko.

Kaya bumili na lang ng isang pabagsak na bangko si Pichay at kanyang Board of Trustees. Pero sabi ng BSP, kulang sa capital iyan. Kaya’t nagdadagdag ng 400 milyon si Pichay. Sa madaling salita, ginugulan ni Juan de la Cruz ng 480 milyon ang pera para sa tubig, para maging bangkero si Butch Pichay. Wow na wow talaga!


Pero ayon sa GAA, ang batas ng budget ni Juan de la Cruz, mahigpit na ipinagbabawal para sa korporasyon o ahensya ng pamahalaan ang maglagak ng puhunan o salapi sa mga non-government securities, money market, o magdeposito sa pribadong bangko. Kanya talagang iba itong si Butch Pichay. Wow na wow talaga!


Ginawa na ito dati ng mga sumunod sa akin sa Bureau of Posts na naging korporasyon sa aking pagpupunyagi. Iniwan ko ng halos 200 milyong pisong surplus ang Philpost noong 1988, na may sapat na kakayahang maging korporasyon na ipinasa sa Kongreso noong 1991 na wala na ako roon.

Pero dinambong ang Post Office ng mga itinalaga roon ni Pangulong FVR, binuhay ang Postal Bank, nagtayo ng Postal Leasing, pati nga security guard na negosyo ay pinasukan. Hinuthot ang salapi ng Post Office, nabulok ang serbisyo ng Post Office, at ngayon, bangkarote na ang Post Office, na bago nagkaroon ng Pagcor ay ikatlo sa pinakamalaki ang kinikita, sunod sa BIR at Customs, noong panahon namin nina Postgen Tanabe (na sumakabilang-buhay na), Roy Golez (congressman ng ParaƱaque na dapat ay maging senador), at inyong lingkod.


Sobra ang pagka-demoralisa ng mga kawani at mababang opisyal ng LWUA. Gaya rin ng Philpost ngayon, hindi makapagretiro ang nais na magretiro dahil hindi makatatanggap ng kaukulang benepisyo. Walang pondo.


Ngayon, nilalakad ng mga opisyal ng Philpost na sila’y manati ling muli sa pwesto, maski isang taon lamang daw. May midnight appointment pa si GMA na inilagay sa Board of Directors. At ang isa sa mga kasali sa paghuthot at pagpapadugo ng Philpost nu’ng kapanahunan ni FVR, gusto pa ngayong maging Postmaster-General. Diyos ko po naman!


Sa LWUA, midnight appointments ang solusyon ni Pichay et al. Wow talaga. May tawag sa mga ganitong uri ng opisyal. Makikita ang simbolo nila sa isang T-shirt na mamahalin na gawa sa Pransya.


Wika nga sa akin ng mga taga-LWUA at taga-Philpost, “sabihin lang ni Noynoy, kakaladkarin naming palabas ang mga over-staying na appointee ni GMA”.


(banayo_at@yahoo.com)

ABANTE para sa Huwebes, ika- 24 ng Hunyo, 2010

No comments:

Post a Comment