Naging pangulo ang bise-presidente ni Roxas na si Elpidio Quirino, subali’t panahon ito ng malawakang pag-alsa ng mga Huk na nais itatag ang pamahalaang komunista sa bansa. Nagkasakit si Quirino sa hirap ng kanyang panguluhan, at bagama’t maraming naumpisahang mga proyektong nagpatatag ng ekonomiya matapos ang mapagpinsalang digmaan, siya’y tinalo noong 1953 ng kanyang hinirang na kalihim ng tanggulang pambansa na si Ramon Magsaysay. Muling trahedya ang nangyari nang mamatay sa isang sakuna sa Mt. Manunggal sa Cebu ang Pangulong Magsaysay na nanungkulan ng higit lang sa tatlong taon. Pinalitan ito ni Carlos P. Garcia ng Bohol, na bagama’t naihalal noong 1957, ay natalo naman sa halalan ng 1961 ng kanyang bise-presidenteng si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang nakaupo sa trono sa loob ng palasyo.
Nguni’t hindi rin nagtagal si Macapagal. Matapos ang isang termino, hinalinhan ito ng pangulo ng Senado na si Ferdinand Marcos. Siguro’y hiyang kay Marcos ang palasyo, sapagka’t binalak nitong hindi na lisanin kailanman ang kapangyarihan. Matapos magtagumpay sa re-eleksyon ng 1969 laban sa anak ng dating pangulo, si Sergio Osmeña Jr. na ama naman ng kasalukuyang Sen. Sergio Osmeña III, sinadya na ni Marcos ang magtatag ng martial law at mag-hari sa bansa. Sa matagal na panahon ng dalawampu’t isang taon, kung saan halos labing-apat na taon ay sa ilalim ng diktadurya, naghari nga si Marcos at asawang si Imelda. Nguni’t may bawi ang hindi magandang “feng shui” ng kaniyang palasyo, bagama’t ito’y kanyang binago (Pinalitan ang lumang palasyo ng isang “bomb-proof” na istraktura, gaya ang dating arkitektura kaya’t kung mga larawan ang pagbabasehan ay akala mo’y luma pa rin.) Nagkasakit si Marcos ng nakapanhihinang “lupus erythrymatosus” at matapos mapaslang ang matagal na ikinulong niyang kalaban sa pulitikang si Ninoy Aquino, unti-unti nang pabagsak ang kanyang rehimen.
At humalili sa kanya, matapos ang dinayang “snap elections” ng 1986, ay walang iba kundi ang biyuda ni Ninoy na si Cory Aquino. Dala siguro ng kapaitan na manirahan sa binahayan ng pinaghihinalaang pumaslang sa kanyang asawa, tumanggi si Cory na manirahan sa Malakanyang. Imbes ay ginamit na tanggapan ang “Guest House” na itinayo ni Marcos para sa mga natatanging bisita mula sa ibang bansa, at nanirahan sa isang mansyon sa Calle Arlegui na pag-aari ng mga Laperal, na kinuha naman ni Marcos noong martial law. At matapos ang panguluhang ginulo ng sunud-sunod na pagtangka sa kanya, na sa isang pagkakataon ay mismong bugtong na lalaking anak nila na si Noynoy ay muntik mapatay, ang humalili sa kanyang si Fidel Valdez Ramos ay muling ayaw manirahan sa palasyo, liban na lang sa paggamit ng dating opisina ni Marcos bilang tanggapan rin. Natapos naman ang anim na taong panunungkulan ni FVR, subali’t ang humalili sa kanya noong 1998 ay hindi kanyang minanok kundi ang kanyang bise-presidenteng si Joseph Estrada na malapit sa masang Pilipino. (Itutuloy bukas)
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika-08 ng Hunyo, 2010
No comments:
Post a Comment