Tuesday, June 8, 2010

Masamang “feng shui”, 2

Sa kauna-unahang pagkakataon mula kay Elpidio Quirino, ginusto ni Joseph Estrada na hindi sa Luneta manumpa, kundi sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Malolos, kung saan itinanghal ang bagong Saligang Batas ng rebolus yong lumaban sa kolonyalismo ng Espanya, upang mahalinhan lamang ng iba pang kolonyal na pamamahala ng Estados Unidos. At noong pumasok si Estrada sa magiging tanggapan niya sa palasyo, anupa’t bumagsak ang chandelier sa Music Room na katabing silid ng kanyang tanggapan! Matapos ipaayos ang Guest House, lumipat din si Estrada sa Malacañang.


Hindi tumagal si Erap sa panguluhan matapos na sampahan ng kasong impeachment noong 2000, at noong Enero 19, 2000, binaligtad siya ng kanyang mga heneral at ilang miyembro ng gabinete, na siya namang naging pag-angat ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kapangyarihan. At tulad ni Ferdinand Marcos, mahabang panahon ang inilagi ni Gloria sa Malacañang, kung saan mismong siya ay nanirahan.

Tila tumatagal ang mga ka tulad nina Marcos at Gloria sa palasyong katabi ng marumi at mabahong Ilog Pasig. Hiyang sila rito.


Siguro’y nasa isipan ni Benigno Aquino III, anak nina Cory at Ninoy, ang kasaysayan ng marangyang palasyo ng Malacañang at ang mga nangyari sa mga nanirahan dito. Liban kina Marcos at Gloria na hanggang sa dulo ay kinamumuhian ng sambaya nan, walang nanirahan dito na tumagal ang buhay o panguluhan. Masama nga kaya ang “feng shui” ng palasyo? O hindi hiyang ang “vibes” para sa mga hindi katulad nina Marcos at Arroyo?


Dahil karapatan ng pangulo kung saan maninirahan, bagama’t opisyal na tirahan niya ang palasyo ng Malacañang, sari-saring alternatibo ang inihain kay Pangulong Noynoy. Nariyan ang kinalakihan at kinasanayang bahay na itinayo ng kanyang ama’t ina sa Times Street sa West Triangle Homes sa Lungsod Quezon. Ngunit magiging “security nightmare” para sa isang pinuno ng bansa ang magparoo’t parito na dumadaan sa mahaba-haba ring tahakin mula sa tanggapan at tirahan. Liban pa sa maaaring pagbabago sa kinasanayang buhay ng mga kapitbahay nila sa Times St. at subdivision.


Maaari siyang manirahan din sa Arlegui, na patuloy na inuupahan ng pamahalaan sa may-ari nito.

Nu’ng panahon ni Erap, ito’y ipinahiram sa kanyang Press Secretary na si Rod Reyes, na sa malayong Parañaque ang tahanan. At noong ilang taon ni GMA, ginamit itong tanggapan ng iba’t ibang dagdag na tanggapan sa Malacañang, pati na ang ilang mga taga-press office. Subalit ngayon ay isinasaayos, at ayon sa kasalukuyang liderato ay maaaring muling tirahan ng papalit na pangulo.


Nariyan din ang Bahay Pangarap, ang dating golf clubhouse sa kabilang pampang ng Ilog Pasig, na siyang pinipirmihan ng Presidential Security Command, kung saan din nagla-landing ang mga helicopter ng panguluhan. May 9-hole golf course pa rito, at malawak na lupain, sakop ng Pandacan, samantalang ang mismong palasyo ay sakop ng distrito ng San Miguel, parehong sa Lungsod ng Maynila. Kamakailan ay ipinaayos ito ni Donya Gloria upang gamiting lugar ng maliliit na piging at mga pribadong pag-uusap. May isang silid-tulugan na malaki at marangya ang pagkakadisenyo, at sabi’y angkop sa isang binata pang pangulo.


Ang tiyo ni Noynoy na si Butz Aquino ay may bahay sa Calle San Rafael, ilang hakbang lamang mula sa Gate 3 ng Malacañang, at hindi rin kalayuan sa Arlegui. Ngunit ewan ko kung maisasaayos ang “security concerns” ng PSG sa bahay na ito.


Maging ano pa man, itatanghal si Noynoy Aquino na ika-labinlimang pangulo ng bansa sa tanghaling tapat ng Hunyo 30, malamang sa isang seremonya sa Quirino Grandstand sa Luneta. At saan pa man niya piliing manirahan, taglay niya ang suporta ng sambayanang sabik na sabik sa maayos at malinis na pamamahala.


(banayo_at@yahoo.com)

ABANTE para sa Miyerkules, ika-09 ng Hunyo, 2010

No comments:

Post a Comment