Thursday, June 3, 2010

Magandang panimula

‘Di tulad ng ibang manunulat, ayaw kong magbigay ng komento base sa mga ispekulasyon patungkol sa gabinete ng bagong halal na pa ngulo ng bansa, si Noynoy Aquino. Naglipana ang mga text messages na binabanggit ang kung sinu-sino para sa kung anu-anong posisyon. Natatawa ako sa ilang mga pangalan at kaakibat na posisyon (kuno), dahil alam kong napakalayo sa malamang na gawin o isipin ng bagong halal na pangulo.

Kanya hinintay ko ang sadyang anunsyo na galing mismo kay Noynoy. Nauna nang binanggit si Dinky Soliman para sa DSWD. Ito’y hindi sorpresa pagkat matagal na itong nabanggit ni Noynoy, kandidato pa mandin siya. Si Dinky, na kasamahan ko sa FSGO, ay masipag at sadyang kapakanan ng mga mahihirap ang nilalayong matulungan. Nagpa kita siya ng paninindigan noong nilisan niya, kasama ang Hyatt 10, ang gabinete ni GMA, dala ng ebidensya patungkol sa Hello Garci, at kakulangan ng sapat na reaksyon mula sa kanilang pangulo. Hinangaan ko ang ganoong paninindigan, at sa aking konting pananaw, ang mga nanindigan noong mga panahon ng iskandalong Hello Garci ay dapat ipagbunyi, at hindi masamain.

Gayun din ang aking reaksyon ng kamakailan ay sabihin ni Noynoy na siya’y tutulungan ni Ging Deles, isang kasapi rin sa Hyatt 10, na siyang tumatayong pangkalahatang kalihim ng FSGO, sa larangan ng paghahanap ng matagalang kapayapaan bilang Presidential Adviser on the Peace Process na may ranggo ng gabinete. Maski mas malawakang pwesto sa gabinete ay karapat-dapat si Ging, ngunit palagay ko ay sadyang dedikasyon niya ang makatulong sa pagsulong ng kapayapaan at pagkakaisa ng bayan.

Noong Lunes ay inanunsyo na ni Aquino na ang kanyang magiging Executive Secretary ay si Atty. Paquito “Jojo” N. Ochoa Jr., na siguro’y hindi kilala ng marami sa ating mga tagasubaybay. Bagama’t siyam na taon na siya halos na City Administrator ng Lungsod ng Quezon, sa ilalim ng pamumuno ni Alkalde Sonny Belmonte, si Ochoa ay naging “low-key”, walang kontrobersiya, at walang publisidad sa kanyang pagkatao o pwesto.

Iyan din malamang ang nais ni Aquino --- isang masipag, tahimik at magaling na kalihim pangkalahatan, na siyang magiging administrador ng Office of the President. Lubos ang tiwala kay Jojo Ochoa ng kanyang pangulo, na matagal na niyang kaibigan at maging ang kanilang mga ama na si Ninoy Aquino at ama ni Jojo ay naging magkasama.

Nakatrabaho ko si Jojo nitong huling tatlong buwan o higit, mula nang tumulong ako sa kampanya ni Noynoy. At napakaayos ng pagkakilala ko sa kanyang mga katangian. Magaling sumunod, at magaling manguna. A good follower and a good leader. Kung baga sa military, mahusay na heneral ng kanyang commander-in-chief. Iyan ang sadyang katangiang nararapat sa isang Executive Secretary, na siyang sasala ng mga impormasyong aabot sa Pa ngulo, at hihingan ng payo ukol sa mga desisyong nasyonal. Siya rin ang sisiguro na ang mga kawani ng Office of the President ay ginagawa ang kanilang mga tungkulin ng maayos, upang matulu ngan ang susunod na pangulo.

Taong-tao at walang kaplastikan itong si Jojo. Kung hindi maaari, sasabihin ng maayos. Kung wala sa lugar, tatanggi ng maayos. Hindi ka bibilugin, tatapatin ka.

Ganyan ang dapat talagang maging Executive Secretary. Hindi hangad ang pansariling pagpapa-pogi, kundi paano mapapabuti ang kanyang pangulong pinagsisilbihan.

Magandang mga panimula ang nakikita natin sa hinihirang ng bagong halal na pangulo, si Noynoy Aquino. Nawa’y magpatuloy ang ganito, at nawa’y maisaayos na niya ang mabuting pamamahala na hindi transaksyunal, kundi sadyang makabubuti para sa kinabukasan ng sambayanan.


(banayo_at@yahoo.com)

ABANTE para sa Miyerkules, ika-02 ng Hunyo, 2010

No comments:

Post a Comment