Nagdesisyon na ang bagong pa ngulo na sa Quirino Grandstand sa Luneta siya susumpa bilang ika-15 pa ngulo ng bansa. Susulatan si Associate Justice Conchita Carpio-Morales upang siyang magpasumpa sa kanya, gaya ng dati nang nasabi ni Noynoy Aquino. Matapos ang seremonya, at matapos ang unang miting ng kanyang gabinete, magkakaroon ng “street party” sa Quezon Memorial Circle, kung saan sa masang Pilipino at ordinaryong mamamayan makikipagdiwang ang bagong pangulo, imbes na sa MalacaƱang kung saan piling-pili at iilan ang maaring makatungo. Ito ang nais ni P-Noy, upang bigyan ng halaga na dapat ay magsama-sama ang liderato at ang taumbayan sa pagsulong ng pagbabago.
Ngunit kinabukasan, matapos ang seremonya at pagdiriwang, mag-uumpisa na ang mahirap na trabaho. Napakara ming suliranin ang mamanahin ng bagong halal na pangulo, at lalo pa itong kinumplika ng pagkaraming mga “midnight” appointments sa mahahalagang pwesto sa mga ahensya at korporasyon ng pamahalaan.
Magbalik-tanaw tayo sa nagdaang kampanya. Liban sa temang “Kung walang korap, walang mahirap”, at sa paninindigang taumbayan ang siyang nagbibigay ng lakas sa kanya (“kayo ang aking lakas”), matatandaang binigyang-diin sa pamamagitan ng deretsahang mga advertisement sa radyo at telebisyon ang ilang mala laking isyu.
Marahil sa Hulyo 1, 2010, ang mga pangakong binitiwan ang siyang dapat na maging sentro ng mga programang ilulunsad. Una rito ay ang pangakong dapat patas ang laban sa batas. Dapat magkaroon ng pantay-pantay na katarungan. Ang hustisya ay hindi para sa mayayaman at makapangyarihan lamang, kundi para sa lahat ng mamamayan, lalo na sa mga maralitang naaapi. At dapat sigurong gumawa ng malalaking hakbang upang linisin ang hudikatura ng mga korap, alinsabay ng pag-usig sa mga malilinaw na kaso ng korapsyon.
Isa pang malaking programa ang siguruhin ang sapat at abot-kayang pagkain ng bawat mamamayan.
Sa biyayang lupain, sa nakapalibot na karagatan, at sa klimang tropikal, hindi dapat na nag-aangkat pa tayo ng pagkain, at hindi natin mabigyan ng abot-kaya at sapat na nutrisyon ang ating sambayanan. Kaya’t malamang ay tutuunan agad ng pansin ang programa para sa pagpapalago ng agrikultura, pangingisda, at iba pang proyektong makapagpapasagana ng ani at makabibigay ng kaunting kaunlaran sa mga magsasaka’t mangingisda.
Ipinangako rin ni P-Noy na sisikaping mabigyan ng mabuting hanapbuhay ang taumbayan, at nang hindi na lamang pagsasa ngibang bansa ang inaasahan. Hindi madaling gawin ang ganito, at hindi naman sadyang kayang madaliin ito. Una’y dapat manumbalik ang kumpiyansa ng mangangalakal, lokal man o dayuhan, na magiging malinis at maayos na ang pamamahala ng ekonomiya, at lulubayan na ng impluwensiya ng pulitika at korapsyon ang sector na pribado. Samantala, gumawa ng mga hakbang para maibsan ang hirap ng sambayanan, sa pamamagitan ng mas maayos na serbisyo publiko sa edukasyon, kalusugan at kawanggawa.
Nariyan din ang paigtingin ang peace and order at siguruhing tahimik at payapa ang bansa, laban sa organisadong mga kriminal, laban sa mga ilegal na gawain, laban sa pang-araw-araw na krimeng maaaring dala ng kasalatan sa kabuhayan, at maging ang mga isyu ng sesesyon at rebelyon.
Napakaraming mga suliranin; napakaraming mga balakid. Ngunit sa awa ng Maykapal, at sa pagkakaisa ng sambayanan, nawa’y maging mistulang bukang liwayway ang tanghaling tapat ng Hunyo 30, 2010, at umagang puspusan ng sama-samang pagsisikap ang Hulyo 1, 2010.
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Miyerkules, ika- 16 ng Hunyo, 2010
No comments:
Post a Comment