Marami-rami rin akong nakausap na mga pulitiko sa aking pag-uwi rito sa Butuan, pati na rin mga miyembro ng media.
Damang-dama mo na sadyang sawa na ang taumbayan sa lisyang sistema na pinag-ugatan ng sobrang korapsyon sa nagdaang mga dekada. Tila may hangganan ang pasensiya ng tao. Tinatanggap ang kaunting korapsyon, basta’t may kapalit na benepisyo sa kanilang buhay, sa pamamagitan ng mga serbisyo publiko at kaunting kaunlaran.
Kaya nga ba’t may mga nagwagi, at patuloy na nagwawagi sa larangan ng pulitika, na hindi mo naman masabing sinlinis ng bulak. Ngunit hinahayaan na ng taumbayan ang mga paratang sa kanila, basta’t may kapalit silang natatamasa, at may pagbabago sa kanilang buhay, sa kanilang kapaligiran. Su balit, gaya nga ng wika ng yumaong si FPJ, “kapag puno na ang salop, kinakalos”. Napupuno rin ang taumbayan sa sobrang korapsyon. May listahan sila sa kanilang isipan, at sa araw ng pagtutuos, sa araw ng halalan kung saan pantay-pantay ang karapatang bumoto ng bawat Pilipino, mayaman man o mahirap, ay saka nila kinakalos ang dapat ay kalusin.
Dangan nga lamang at pati paghalal ay napepeke, sa pamamagitan ng mga Garci, o nabibili, sa pamamagitan ng mga katulad ni Bolante, kaya’t lubhang nasasalaula ang pagpili ng liderato. Ang kasalanang iyan ay siyang lalong nagpadiin kay Ginang GMA, na sa ayaw niya at gusto, ay nahusgahan ng matindi ng buong Pilipinas, liban na lamang sa lalawigan niya ng Pampanga, para sa sarili lamang. Ngunit maging sa lalawigan niya ay hindi niya maipanalo si Gilbert Teodoro na opisyal niyang kandidato, o sinumang tulad ni Villar, na mas nais niyang maluklok sa panguluhan kaysa kay Noynoy. Pagkat ang anak nina Ninoy at Cory, na taga-karatig lalawigan ng Tarlac, ang siyang nagwagi sa Pampanga. At salamat sa automation, hindi nakagawa ng kawalanghiyaan ang mga Garci at mga mandaraya. Hindi sila nakamaniobra ng tulad dati.
Mainit ang mga pagtutunggali sa bawat halalan, lalo na kung gitgitan ang laban. Dito sa Butuan, 9,000 boto lamang ang pagitan sa dala wang magkatunggali, sa 120,000 nakaboto. Sa karatig-lalawigan ng Surigao, na lalong mainit ang laban ng mga Barbers at mga Matugas, nasa 2,000 boto lamang ang inilamang ng kumare kong si Sol Sering Matugas laban sa incumbent governor na si Ace Barbers. Talo rin ang kapatid ni Ace na lumaban sa bayaw ni Sol sa pagka-alkalde ng Surigao City. At mu ling nagwagi ang kumpare kong si Francisco Matugas bilang kinatawan, maging ang kaalyado nilang si Rep. Romarate na tinalo ang kandidato ng mga Barbers. May mga banta pa ngayon sa buhay ng mga nagwagi, na maaring hindi naman sadyang nais ng mga natalo, kundi ng mga mainit nilang tagasuporta na ngayon ay mawawalan ng trabaho at pagkakataong kumita ng malaki. Andyan din ang mga kontratang mawawala, mga gawaing ilegal na hindi na kakayanin dahil hindi kakutsaba ang liderato. Iyan ang mga maaaring mag-isip ng masama.
Kaya nga sa pagtatapos ng halalan, kapag naiproklama na ang mga nagwagi, ay dapat umpisahan na ang paghilom ng mga su gat pulitika. Dapat ay tanggapin ng maalwan sa puso ang hatol ng sambayanan. Hayaan na ang kasaysayan at ang susunod na mga halalan na siyang magbitiw ng matagalang hatol sa ginawa o hindi nagawa ng mga pulitiko. Iyan ang nararapat.
Subalit sa paghilom ng sugat pulitika, hindi kaakibat diyan ang hayagang pagpapatawad sa mga pagkakasala, kriminal o administratibo, dala ng korapsyon at iba pang kasalanan sa bayan. Kaya nag-ugat ang korapsyon ay dahil todo pasa ang mga namumuno, maging ang sambayanan. Kapag tapos na ang halalan, kalimutan na. Kaya nga’t nag-ugat ang “culture of impunity”, o walang pag-usig sa pagkakasala, walang kaparusahan ang pagkakasala sa bayan.
Hindi nararapat na maging mapaghiganti, ngunit kailangang may pagtutuos ang lipunan sa pagkakasala. Kailangang maparusahan ang mga nagkasala, lalo na at lubha, o garapal ang korapsyon.
Maging sa ating paniniwala at pananampalataya, doktrina ang kapatawaran, ngunit may kaakibat na katarungan, may kasamang pagbabayad-utang.
Ito ang “moral dilemma” na hinaharap ng bagong halal na pa ngulo na si Noynoy Aquino, na itinanghal ng sambayanan dahil sa pagiging malinis, dahil sa pangako ng tunay at makabuluhang pagbabago.
Totoong hindi siya dapat, at sa pananaw natin ay hindi magi ging mapaghiganti. Subalit hindi niya maaaring talikuran ang katotohanang kung walang katarungan, kung walang pagtutuos sa pagkakasala sa bayan, ay hindi mababago ang kultura ng korapsyon. Kaya basta’t naaayon sa proseso ng batas sa ilalim ng demokrasya, dapat ay ipatuloy niya ang pagkakalos ng salop na puno.
Hindi maaaring hayaan na lamang na umapaw ng umapaw ang kasalanan sa bayan.
Sa paghilom ng sugat pulitika, hindi naman maaaring band-aid na lamang ang itapal, at hayaang magnaknak ang bulok na nasa dugo at laman ng mga nagkasala.
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika-19 ng Mayo, 2010
No comments:
Post a Comment