Isa sa pinakakritikal na ginagawa halos araw-araw ng isang pangulo ay ang pagbabalanse ng mga nag-uumpugang interes. Interes halimbawa ng negosyo laban sa mga hinaing ng mga manggagawa. Interes na pangsandalian laban sa interes na pangmatagalan. Interes ng mga pulitiko, lalo na sa Kongreso, laban sa pangkalahatang interes at sa pangmatagalang bisyon ng Pangulo. At napakarami pang iba. Tungkulin ng Pangulo na siguruhing patas ang laban. Siguruhing matiwasay ang barko ng estado sa mga sumasalpok na iba’t ibang alon ng suliranin at balakid.
Sa pagdedesisyong ito ng isang Pangulo nagi ging mahalaga ang kalidad ng impormasyong napapaabot sa kanya. Ay dito rin nagiging mahalaga ang kalidad at abilidad ng mga taong pumapaligid sa kanya -- ang kanyang mga gabinete at mga tagapagpayo. Hindi maaaring pipitsugin ang mga taong ito, ‘pagkat ang nakasalalay sa pagbuo ng desisyon ng Pa ngulo ay ang kasalukuyan at kinabukasan ng sambayanan.
Hindi mapagkakaila na ang susuunging mga suliranin ng bagong halal na Pangulo natin ay mabibigat.
At lalong hindi mapagkakaila na kapos at kapos siya sa pondo, dala ng napakalaking deficit at pagkakautang na mamanahin sa kasalukuyang Pangulo. At hindi rin madaling agarang buwagin ang mga nagsama-samang buwaya ng korapsyon na matinding balakid sa pagpapalakad ng mabuting pamamahala. Handa ang mga buwaya na iyan na lumaban nang husto, sapagkat kapangyarihan nila ang siyang mahahamon ng tunay na mga reporma.
Kaya nararapat lamang na huwag nating masyadong i-pressure ang sunod na Pangulo, na tila baga ay kaya niyang magmilagro. Bigyan natin siya ng sapat na panahon upang magawan nang hustong prayoridad ang mga suliranin, at tamang panahon para labanan ang mga balakid na kokontra sa mabuting pamamahala at pamamalakad ng pamahalaan.
Dapat din ay tulungan siya ng iba’t ibang mga sektor upang makahanap ng mga taong tutulong sa kanya sa pag-ugit ng pamahalaan. Ang mga nababasa natin sa mga text messages at nariri nig na ispekulasyon sa binubuong gabinete ay hindi nakatutuwa. Marami ay “re-treads”, o kung baga sa gulong, ay gamit na, gasgas na, at tinagpian lamang. Mayroon namang ang serbisyo nu’ng datihang mga administrasyon ay hindi naman sadyang kahanga-hanga. Kaya’t dapat ay huwag magkait ang pribadong sektor ng kanilang tulong. Isangguni sa bagong Pangulo ang alam nilang karapat-dapat, mga talu-batang negos yante o ekonomista, mga mahuhusay na akademiko, mga propesyunal na dapat lang na tanggapin ang hamon na tumulong sa isang sinserong Pangulo. Higit sa lahat, mga taong may taglay na “common sense” dala ng karunungang napanday sa karanasan, na tutulungan ang bagong halal ukol sa wastong pagprayoridad ng mga suliranin, hindi paurong-sulong, hindi lubhang “mainit ang kilikili”, wika nga. Cool under pressure. Sa wikang Ingles, na magbibigay naman sa bagong Pangulo ng “grace under pressure”.
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika-25 ng Mayo, 2010
No comments:
Post a Comment