Narito ako ngayon sa lungsod ng Butuan upang magbakasyon ng saglit matapos ang kampanyahan at makasaysayang eleksyon. Nagkataon pa man din na araw ng halalan ay kaarawan ng aking inay, kaya’t pinagpaliban ang family reunion nitong nagdaang linggo.
Dito sa Butuan, ang pulitika ay napakatradisyunal at ang pamamahala ay napakapiyudal. Bilihan ng boto ay umugat na noon pang dekada sisenta, magpasahanggang ngayon. Pami-pamilya ang naglalabanan, lahat may malaking salapi na noong araw ay mula sa pagtutroso, at ngayon ay bunga ng mga kontrata sa gobyerno na dala ng panalo sa halalan at patuloy na kapangyarihang nakamit sa pamimili ng boto.
Sa kasaysayan ng lungsod ng Butuan, may apat na dekada nang naghahari ang pamilya Plaza.
Panahon ni Marcos, ang nakababatang kapatid ni Democrito, o taguring “D.O.” na si Figurado ang siyang alkalde. Ang kuya niyang si D.O. na malaking magtutroso ang siya namang gobernador ng lalawigan ng Agusan, na hinati sa dalawa, ang Norte at Sur.
Magaling namang mayor si Figurado, o Lado; hindi abusado at maayos magpatakbo, at hindi magnanakaw. Hinalinhan siya noong matapos ang martial law ng OIC, na hindi naman nanalo laban sa salapi ni D.O. noong nagkaroon na ng halalan matapos ang bagong Saligang Batas. Ang nagwagi ay anak ni D.O. na si Boy Daku, kuya ni Ompong Plaza na tumakbong senador kamakailan sa tiket ni Erap.
Mula nang mahawakan na ni Boy Daku ang pagiging alkalde ng Butuan, siya at asawa niyang si Daisy ay naghalinhinan na sa pwesto. Sinumang piliin nila sa pagka-congressman ay siya ring nagwawagi.
Ngayong 2010, nag-expire na ang ikalawang tatlong termino ni Boy Daku, kaya’t asawa niyang si Daisy ang siya na naman sanang hahalili. Pero tinapatan sila ni Dr. Ferdinand “Jun” Amante, isang orthopedic surgeon na bagama’t galing sa angkan ng mga Amante na may dinastiya rin sa lalawigan ng Agusan del Norte, ay ngayon lang napasabak sa malakihang pulitika.
Dala ni Jun Amante at kanyang bise na si Lawrence Fortun, batang-batang abogado na anak ng yumao kong kaibigang si Camilo Fortun ng PDP-Laban, ang tiket nina Noynoy at Mar, kaya’t dala rin nila ang mensahe ng tunay na pagbabago. At bagama’t incumbent at napakaraming salapi ng mga Plaza, nagwagi ang dalawa bilang mga tanghal na bagong liderato ng Butuan. Sa halos 150,000 na botanteng nakarehistro sa highly urbanized city ng Butuan, halos 120,000 ang nakaboto. Siyam na libo naman ang inilamang ni Jun Amante kay Daisy Plaza. Sawa na ang taong-bayan sa matagal na paninilbihan ng mga Plaza.
Sa mahabang panahon ay nakita kasi nila kung paanong naungusan na sa kaunlaran ang dati-rati ay mayamang lungsod nila ng Surigao, Dipolog, Pagadian, maging ang lungsod ng Valencia sa Bukidnon.
At milya-milya nang napag-iwanan ng karatig na Cagayan de Oro. Hirap sa industriya at trabaho, at matumal ang kalakal.
Hudyat ng pagbabago ang bagong liderato, na sana naman ay hindi biguin ang mga taga-Butuan.
Harinawa ay magtagumpay sila Jun Amante at Lawrence Fortun. Hindi nila kasangga ang congressman, na loyalista at dikit na dikit kay GMA. Maging ang tiyo ni Amante na si Edelmiro, kasama ng mga anak na sina Rep. Angelica at Gob. Erlpe, ay mga tradisyunal at piyudal. Sana ay maging makabago at tapat ang bagong liderato ng aking adopted hometown ng Butuan.
(banayo_at@yahoo.com)
ABANTE para sa Martes, ika-18 ng Mayo, 2010
Wednesday, May 12, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment