Monday, May 3, 2010

Bakit si Noynoy?

Ito ang huling pitak ko para sa pahayagang Abante bago mag-halalan sa parating na Lunes, ika-sampu ng Mayo. Sa mga pitak ko nitong nakaraang mga buwan, malinaw na kontra ako na maging pangulo si Manny Villar. Ito’y hindi dahil sa anumang personal na dahilan, gaya ng sinusumbat ng iba, tulad ng: (1) hindi raw kasi ako kinuha ni Villar; (2) dala ko lang raw ang alitan ni Ping Lacson na aking kaibigan kay Manny Villar at mga kasamahan nitong tulad ni Alan Cayetano.

Sa totoo lang, inalok ako noon pang 2008 ng kaibigan kong si Rep. Ronny Zamora ng San Juan na sumama na at tumulong kay Villar, sa pagnanais nitong maging pangulo ng Pilipinas. Tumanggi ako, una, dahil tumatakbo pa noon sa pagka-pangulo si Lacson; at pangalawa, dahil hindi ako kailanman “bumilib” kay Villar. Maging noong siya’y Speaker, at lalo na nung minadali niyang ipa-impeach si Pangulong Estrada. Kapag ipinagtahi-tahi ko ang aking mga nalalaman noong ako’y Presidential Adviser on Political Affairs ni Erap, hanggang sa naging consultant ni Lacson, at bilang manunulat at taga-masid ng mga pangyayari sa ating bansa, sadyang wala akong nakitang ano mang galing o katangi-tanging ugali itong si Villar, liban na lang sa simpatiya na diumano’y nanggaling siya sa hirap, at umasenso dala ng “sipag at tiyaga”. Nang mapag-alaman ko batay sa malinaw na mga ebidensya na inabuso niya ang kapangyarihan upang lalong magpayaman, na malimit kong isulat sa pitak na ito, lalong namuo sa aking isipan at damdamin na hindi dapat maging pangulo si Villar.

Bakit ako hindi sumusuporta kay Erap ngayon, samantalang masugid akong sumuporta sa kanya noong 1998, at naging miyembro ng kanyang gabinete bilang Political Adviser at General Manager ng Philippine Tourism Authority? Hindi ko siya iniwan noong nasadlak siya sa krisis ng impeachment, at maging noong siya ay nakulong sa Veterans at sa Tanay. Nguni’t nung siya ay nabigyan ng pardon ni GMA, sa aking pananaw ay nasuklian ko na bilang kaibigang tumatanaw ng utang na loob ang kanyang kabutihan. Ngayong pipili na naman tayo ng isang lider upang palitan ang pinakamasamang pangulo sa ating kasaysayan, na nang-wasak ng mga institusyon na ngayon ay kailangang lubusang i-reporma, sa aking pananaw ay hindi si Pangulong Erap ang dapat na mamuno at magpalakad ng bansang nais ang tunay na pagbabago.

Naniniwala ako, noon maging hanggang ngayon, na kung sana’y tumuloy si Ping Lacson o si Chiz Escudero, maari silang mamuno ng isang pamahalaang sadyang iri-reporma ang ating bulok na sistema. Subalit ang pamumuno ng isang bansa bilang pangulo ay itinatadhana ng langit. May dahilan ang Panginoon para sa lahat ng nangyayari, at sa kanyang takdang panahon.

Nang namatay si Pangulong Cory Aquino, na nag-nombra sa akin bilang Postmaster-General noong 1986, biglang nagbago ang takbo ng pulitika ng ating paparating na halalan. Kasasama ko lang noon kay Senador Chiz Escudero sa kanyang campaign team. Ano pa nga ba at dahil sa malawakang simpatiya kay Tita Cory, nabago ang kandidato ng Liberal, at nagparaya si Mar Roxas para sa bugtong na anak ni Tita Cory at kaibigan kong si Ninoy, na si Benigno Simeon Aquino III.

Noong nakita ni Chiz na tila hindi nakatakda ang kanyang panahon sa ngayon, at siya’y umatras sa labanan ngayong 2010, malinaw sa aming dalawa na ang aming nasa puso at damdamin ay walang iba kundi si Noynoy. Nguni’t hindi kami agarang nagprisintang tumulong, dahil tila sapat naman ang kanyang mga kasamang tumutulong, at mataas ang kanyang mga survey ratings. Kaya’t noong umangat si Manny Villar, dala ng napakaraming magagastos na advertisement sa media, saka kami sumali sa pag-suporta kay Noynoy.

At ang nakita kong Noynoy ay isang taong tapat ang nais na magsilbi sa bayan. Hindi mapagmalaki, hindi mayabang. Kung minsan ay naiinis at napipikon sa mga batikos na walang basehan, pero sino ba naman ang hindi? Subali’t malinaw ang direksyon ng isipan; alam ang dapat gawin. Higit sa lahat, mabuti ang pagkatao. Hindi nagnakaw, at hindi magnanakaw. May wastong paninindigan, at kailanman ay hindi gagawa ng ikahihiya niya at ng angkang pinagmulan. Ito’y wala sa dugong nananalaytay sa kanyang mga ugat, kundi dala ng pagkakapagpalaki sa kanya nina Ninoy at Cory. Hinubog siya sa wastong paniniwala, sa wastong asal, at lumaking taglay ang responsibilidad na magsilbi sa iba.

Hindi perpektong tao si Noynoy, at sino ba naman ang ganoon? Nguni’t siya ang napapanahong maging lider ng isang bansang nalugmok sa hirap at napariwara ang pamahalaan. Pagka’t higit sa lahat, ang kailangan ng ating sugatang bayan ay muling magtiwala sa pamunuan. Tiwala ang siyang magiging batayan ng muling pagbalik ng pag-asa sa nalugmok nating Inang Bayan at sa kaawa-awa nating mga kababayan.

Dahil siya ang higit na mapagkakatiwalaan sa siyam na tumatakbo bilang pangulo, hinihikayat ko ang lahat ng mga taga-subaybay ng pahayagang ito na sa darating na Lunes, iboto si Noynoy Aquino. At mula sa Hunyo 30, tulungan natin siyang ma-reporma ang ating pamahalaan, at nang manumbalik ang sigla sa bansang sadlak sa karimlan.

(banayo_at@yahoo.com)

LITO BANAYO
ABANTE para sa Miyerkules, ika-03 ng Mayo, 2010

No comments:

Post a Comment