Nakatutuwa naman itong Pa-La-Ka, o Partido Lakas-Kampi. Noong Martes Santo, nagbitiw si Gibo Teodoro bilang taga-pangulo ng kanilang pagkalaki-laking partido. Kinabukasan, sinundan ng pangulo na si Gobernador Miguel Dominguez ng Saranggani, at ng kalihim na si Francis Manglapus. Ang dalawang ito ay personal na pinili ni Gibo Teodoro, na siya ring kandidato opisyal ng kanilang partido, na ang tinaguriang inspirasyon ay walang iba kundi si Gloria Macapagal Arroyo.
Nagbitiw si Gibo dahil ‘diumano’y nais niyang pangatawanan ang kampanya niya sa panguluhan, at ipaubaya na raw ang mga responsibilidad ng pamamahala ng partido sa iba. Pero malinaw namang nagdidisimula lamang si Gibo. Hindi man lang siya nag-rekomenda ng kapalit, o di kaya’y nag-nombra ng pansamantalang kahalili. At nang sinundan ng pagbibitiw ng kanyang mga tauhang pinili, sina Dominguez at Manglapus, e malinaw na malinaw na may sama ng loob, at may mas totoong kadahilanan na ayaw isa-publiko.
Dito na nga nagkaroon ng “connect” ang matagal na nating isinusulat na ang lihim na kandidato ni Gloria ay si Villar. Kanya nga binansagan na natin si Manny Villar na Money Villarroyo, laro sa saksakan ng daming bilyones, at sa apelyido nilang dalawa na pinaghalo. Noong Pebrero pa lamang ay isiniwalat na natin na maraming Pa-La-Ka ang gayak nang lumipat sa kampo ng Nasyonalistang si Villar. Binanggit natin si Erico Aumentado na gobernador ng Bohol, bitbit ang kanyang bise na si Julius Herrera na sadyang kinopong na ni Villar. Binanggit natin si Mike Defensor na tumatakbong alkalde ng Quezon City. At ipinahiwatig na natin na patungo na rin si Chavit Singson sa kampo ni Villar.
Mayroon din tayong naisulat, tila sa Malaya, patungkol kay Judge Theresa Yadao, noong Marso, na kinasuhan ng pa-traydor, sa huling araw niya sa pwesto, nitong si Agnes Devanadera na kalihim sa kawalang katarungan ni Donya Gloria. Ang kaso? Hinatulan ni Yadao bilang RTC judge ng QC, si Jose Villarosa na siyang mastermind sa pagpatay sa dalawang anak ng karibal sa pulitika sa lalawigan ng Mindoro Occidental na si Ricardo “Ding” Quintos noong 1998. Nguni’t nang isinampa sa Court of Appeals (na diumano’y nilakad ng misis nitong si Girlie kay Donya Gloria), binaligtad ang desisyon ni Yadao, at pinawalang-sala si Villarosa. Hinabol ni Villarosa si Yadao at nagsampa ng kaso sa DOJ, at sa huling sandali, hinatulan ni Devanadera na dapat usigin si Yadao ng korte.
Sinulat ko noon na isa sa mga papasampa na ng harapan sa kampo ni Villar, batay sa mga bubuwit kong alaga sa Mindoro Occidental, ay walang iba kundi itong si Amelita o Girlie Villarosa, kinatawan nila sa Kongreso na ang gawi ay maging “yaya” ni Donya Gloria sa bawa’t biyahe nito. Kapag si Chavit ay nag-Villar, malinaw na malinaw na ang eksenang Villarroyo. E sumali pa si Winston Garcia ng GSIS.
Kaya’t noong Sabado, nang mabalitaan nating si Girlie Villarosa ang kapalit ni Gibo bilang taga-pangulo ng Pa-La-Ka, nabulalas tayo sa tawa. Kasi itong si Villarosa ay sekreto ring Villarroyo! May Winston at mga Garcia na (liban kay Gobernadora Gwen, na nagpapa-hele-hele pa), may Zubiri at Aumentado pa, at ngayon si Chavit! At isinaksak pa si Villarosa bilang pormal na lider ng partidong Pa-La-Ka. E sino ba namang mabigat na lider sa anumang lalawigan o lungsod ang tumitingala kay Girlie Villarosa, na wala namang sinabi sa larangan ng pulitika liban na lamang sa magreyna-reyna sa kalunus-lunos na Mindoro Occidental, at mag-yaya kay Donya Gloria?
Malinaw para sa akin ang senyales ni Donya Gloria. Sige, mga Pa-La-Ka, huwag na kayong umasa kay Gibo. Pagka’t alam ng mga kapwa-kinatawan sa Kongreso na si Girlie Villarosa ay super-dikit kay Money Villarroyo. Maging sina Gilbert remulla at Alan Cayetano, na may mga lakas ng loob pang i-deny to death ang sabwatang Arroyo at Villar, alam na alam kung gaano ka-dikit si Girlie kay Money.
Kaawa-awang Gibo. May lihim akong nalalaman na kung interesado siya ay sasabihin ko kung ano, pero sa kanya lamang, o sa kaibigan naming si Nelson Victorino na kanyang chief-of-staff. Pero palagay ko ay alam din ni Victorino, na naging opisyal sa Presidential Legislative Liaison Office noong panahon ni Pangulong Erap.
(banayo_at@yahoo.com)
LITO BANAYO
ABANTE Column for Wednesday, 07 April 2010
Tuesday, April 6, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment