Sunday, April 4, 2010

Pekeng mahirap pala

May kaibigan naman akong taga-Las Piñas na tumawag sa akin, at nagsabing kailanman ay hindi binanggit ni Villar sa kanyang pangangampanya na congressman, ang diumano’y lubha nitong kahirapan. ‘Ika niya, dahil sa asawa nito ang isa sa mga mayamang Aguilar na maraming lupain, at matagal na naging alkalde ng kanilang ba­yan noong panahon ni Ferdinand Marcos, hindi nila kailanman inisip na ga­ling sa hirap si Manny.
Kinahihiya ba noon ni Manny ang diumano’y “kahirapan” nila? Ngunit ngayong si Manny Villar ay tumatakbong pangulo, hindi pa nagkasyang gamitin ang pagiging maghihipon at ipagsabi ang kanyang sipag at tiyaga. Ginamit pa ang matagal nang nananahimik na kapatid upang magsinu­ngaling sa sambayanan.
Pagkat si Daniel Bamba Villar ay namatay sa isang pribadong ospital, ang FEU Hospital na noong panahong iyon (Oktubre 13, 1962) ay kalinya sa galing ng Manila Doctors’ Hospital. Ayon sa death certificate na aming nakuha mismo sa National Statistics Office, si Daniel ay namatay matapos ang 13 araw na nakaratay sa sakit sa mamahaling ospital na iyon, at ipinadala ang katawan sa Fune­raria Paz, na mamahaling punerarya maski pa noon. Hindi pangmahirap ang ospital, na disin sana’y San Lazaro o PGH, (wala pang Bonifacio o Lacson Hospital noon) at hindi pangmahirap na pune­rarya, tulad ng Tres Amigos o Vasquez noong mga panahong iyon.
Pero ito ang mas nagpapatunay ng pagsisinungaling ni Villar ukol sa kaawa-awang kapatid: Ang ikinamatay ay leukemia, na noong panahong iyon, at magpasa-hanggang ngayon, ay kanser sa dugo na walang katiyakang paggamot, mayaman ka man o mahirap. Maging si Pangulong George Bush Sr., namatayan ng anak, si Pauline, dahil sa leukemia, bagama’t milyonaryo na sila noon pa man. At wala pang chemo-therapy o bone marrow transplant na nadidiskubre noong 1962, upang palawigin man lang ang buhay ni Daniel B. Villar. Sadyang ipapasa-Diyos mo na lang kung leukemia ang siyang maging karamdaman ninuman, mahirap o mayaman, may “pera kang pampagamot” o wala.
At ito pa: Ang nakasulat na address sa death certificate ni Da­niel Villar ay Bernardo St., San Rafael Village, Navotas, Rizal, hindi ‘yung maliit na silid sa Moriones, Tondo gaya ng sabi niya sa isa pang advertisement. Ngayon, ang San Rafael Village ay pugad ng nakaririwasa sa buhay --- mga negosyanteng Chinoy at Pinoy na ang negos­yo ay sa karatig-Tondo, Divisoria, o Navotas. Ito’y may security guards, at may gate, na hindi ka maaaring basta pumasok. Ang mga lote’t bahay rito ay pang-nakaaangat sa buhay, gaya ng kais­kwela ko na high school pa kami ay de-kotse na. Kahalintulad nito sa Quezon City ay Sta. Mesa Heights o Philam Village. At ito pa: Nu’ng siyasatin natin ang mga titulo ng ama nina Daniel at Manny na si Ma­nuel Villar Sr., kasal kay Ginang Curita Bamba, e dalawa pang titulo na tig-280 square meters bawat isa, o 560 square meters ang laki, na kanila namang tinayuan ng bahay na dalawang palapag at materyales Fuertes, bagama’t umutang ng 16,000 sa GSIS, na nu’ng kapanahunang iyon ay malaking halaga na. Isang daan at bente pesos lamang ang buwanang minimum wage noon. Ngayon, tatlong oras na trabaho ang kasing-halaga. Ganoon ba ang mahirap?
Maaring noong ipinanganak si Villar ay hindi sila nakaririwasa. Pero hindi sila mahirap, pagkat ang ama ay nagtatrabaho sa gobyerno, at noong mga panahong iyon, maayos ang kita ng taga-gobyerno. At dahil sa sipag at tiyaga nila ng maybahay na si Ginang Curita Bamba, nakabili sila ng malaking mga lote sa isang pangmayamang subdibisyon sa Navotas, gilid ng Balut sa Tondo. Kung gayon, bakit sobra-sobrang pagsisinungaling ang ginagawa ni Manny Villar?
At anong uri ng pagkatao meron ang isang nais pa manding ma­ging pangulo ng bansa, na kakayaning kaladkarin pati alaala ng yumaong kapatid, at gamitin sa isang malaking kasinungalingan, para lamang malansi at maloko ang botante? Pekeng mahirap pala.
Gaya nga ng sinabi ni Susan Roces, butihing maybahay ng yu­maong si FPJ, “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw”. Oo nga naman. Kaya pala kayang abusuhin ang kapangyarihan upang kumita ng malaki sa pagpapalihis ng kalsada upang dumaan sa mga pag-aari nila (C-5). At kayang nakawan ng lupa ang mahihirap na Dumagat ng Norzagaray, at pagkatapos ay isanla ito sa Bangko Sentral ng Pi­lipinas, na kaban ng bayan ang siyang ipinagkanulo. At kaya ring lokohin ang kanyang Statement of Assets and Liabi­lities, na sa pagpasok sa gobyerno (1992) ay nagkakahalaga ng 75 milyon, ngunit ngayon (SALN 2008), ay lumobo na sa isang bilyong higit. Ngunit pinagmamalaki ng kanyang alipores na si Senador Cayetano na 24 na bilyon pa nga raw ang yaman, sa isang talumpati sa Senado. At pati lupang nasa PCGG, na dalawang ektar­yang higit sa San Pedro, ay pilit na inaagaw sa mga maralitang taga-lungsod na doon ay nagtirik ng kabahayan.
Ito ba ang tatapos sa kahirapan? O tatapusin tayong lahat upang lalong yumaman siya at kanyang pamilya? Kakamkamin ang lahat ng lupain ng pamahalaan, at lolokohin ang sistema nang pagpapatitulo ng lupa? Kung kayang magsinungaling ukol sa nakalipas, at lalong masama, isangkalan mismong kapatid na patay na, maloko lang ang sambayanan, e ano pa ang gagawing pang-aabuso kapag naging pangulo na? Magiging pahirap ang pekeng mahirap.

(banayo_at@yahoo.com)

LITO BANAYO
ABANTE Column for Wednesday, 31 March 2010

No comments:

Post a Comment