Hindi ito ukol sa Bibliya, o sa pagkakatanggi ni San Pedro sa Panginoong Hesus. Ito’y patungkol sa kalbaryo ng mga naninirahan sa isang 2.18 ektaryang lupa sa San Pedro, Laguna, na tinawag pa manding Paradise Park. Paraiso na sana para mga maralitang taga-lungsod na naging kalbaryo ng ilang taon. ‘Pagkat isang dambuhalang kumpanya na pag-aari ni Manny Villar at kanyang ginang ay siyang nagiging pahirap sa mga mahirap.
Ang tinaguriang Paradise Park ay pag-aari ng dating alkalde ng karatig-bayang Muntinglupa, na noong 1986 ay sinimulang i-sequester ng pamahalaan sa pamamagitan ng PCGG, bilang diumano’y ill-gotten wealth. Ang yumao nang si Argana ay kilala at kinatatakutang punong-lungsod na loyalista ni Ferdinand Marcos.
Sa lupaing iyon, na ngayon ay pinalilibutan ng mga magagarang mga subdivision, matagal nang naninirahan ang mga maralitang habol ay maibigay sa kanila ang kapirasong lupain na tinitirikan ng kanilang mga dampa, matapos na maging pinal ang pagka-sequester. Kasi, patuloy na kinukontra ng mga heredero ni Argana ang sequestration.
Pero habang ito ay dinidinig pa at wala pang resolusyon ang kaso, mayroon “lis pendens” sa titulo ng lupa. Ibig sabihin, habang ito’y hindi pa nahahatulan, hindi maaring ibenta o isanla ang naturang lupain. Ano pa nga ba at minsa’y binulabog ang mga maralita ng mga security guards ng Crown Asia, at pilit na pinalalayas at nagkademolisyon sa naturang lugar. Tatlumpung kabahayan ang winasak, at sa kanilang pakikibaka sa mga security guards, isa sa kanila ang napatay, si Quirico delos Santos, o “Ka Rico”.
Anupa’t napag-alaman nila na ang lupang tinitirikan ay naibenta diumano ni Maximo Argana sa isang nagngangalang Jose Nunez, pagkatapos ay isinanla sa Capitol Bank na pag-aari ng mga Villar.
Matapos ang anim na buwan, inilit ng Capitol, at isinalin ang titulo sa Crown Asia.
Pero, wika ng mga maralita, paanong maibebenta at maisasalin ang lupa na may “lis pendens”, na ayon sa batas, ipinagbabawal na ilipat, isalin, ibenta o maging isanla? Tila na-magic na naman ang titulo, at bakit nga ba palaging kasangkot ang mga kumpanya ni Villar sa mga “magic” na titulo?
Andu’n ang Norzagaray, kung saan ang titulong isinalin ng mga Villar, mismong sa Bangko Sentral, ay panahon ng Hapon nang maisalin, na labag sa batas? At may mga taga-Cavite na umaangal rin.
Ngayong Mahal na Araw, patuloy ang mahaba-haba nang kalbaryo ng mga naninirahan sa Paradise Park, at sila’y lubhang nangangamba, na kung si Manny Villar ang siyang magwagi at maging pangulo ng kalunus-lunos na bansang ito, e ‘di ang kanilang munting paraisong pinagsisiksikan ay magiging hindi lamang kalbaryo, kundi “paradise lost”, at kahina-hinala man ang titulo ng Crown Asia, e tiyak na ito ang mananaig ‘pagkat ang amo nilang si Manny Villar ay kokoronahan na bilang pangulo.
Ano nga naman ang magagawa ng mga taga-Paradise Park. Paano sila lalaban sa susunod na pinakamakapangyarihang tao sa bansa?
Tayo ang dapat na siyang tumulong sa kanila. Ipaglaban natin sila, at kondenahin ang hayagang pagsasamantala sa kapangyarihan ni Manny Villar, at sa kanyang tahasang paglabag sa batas.
Oo, kaya nating tulungan ang mga taga-Paradise Park ng San Pedro, Laguna. Maging ang mga taga-Norzagaray, Bulakan. Paano? Huwag nating iboto ang mapagsamantala at mapang-abuso sa kapangyarihang si Manuel Villar.
Tumutulong sa mahirap? O pahirap sa mahihirap?
(banayo_at@yahoo.com)
LITO BANAYO
Abante Column for tuesday, 16 March 2010
Monday, March 15, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment